Sa pag-kagat ng dilim,
sa pag-alulong ng aso,
dahan-dahang gumalaw
ang mga gagamba sa yungib;
mahahaba ang kanilang galamay,
balahibuin ang mukha’t
nanlilisik ang mga matang
sumugod sa iyong dampa
kung saan,
bulag mo silang tinanggap.
Dahan-dahan silang,
umakyat sa iyong mga paa,
pumasok sa iyong bibig at mata,
gumapang sa liblib ng iyong utak
at doo’y gumawa
ng maraming sapot –
na iyong pinamahayan,
gumapang kang palingkis
sa bawat hibla ng sapot
at kagaya ng bibliya
ginawa mo itong
pang-araw araw na gabay;
pusang itim, basag na salamin
nuno sa punso, sukob sa kasal.
Ngayon,
ang kalahati ng katawan mo’y tao
at ang kalahati’y gagamba.
Bukas, o:p>
sa pag-kagat ng dilim,
sa pag-alulong ng aso,
magiging isa kanang ganap na
yungib.
- May 2006-