Tuesday, October 03, 2006

Hindi siya ang Prinsipe na sinasabi ni Machiavelli


Askal

I will bring you a drug-free city.” Davao City Mayor"


Isang gabing nahihimbing ako,
ay nasukol ang isang askal
sa isang sulok ng syudad;

hinambalos ng kwarentay singko
ang kanyang ulo,
pinukpok at hinagis sa pader,
isinilid siya sa sako,
pagkatapos ay kinaladkad
ang kanyang katawan sa semento
hanggang sa diniligan
ng kanyang dugo ang lupa
at dumaloy ito sa maitim
na katawan ng estero.

Sa mga gabing pinagsaluhan
pala natin ang mga hele at panaginip
ay may nagbabayad ng ipinangakong
kapayapaan dahil sa banda roon
ay tinutugis ng mga gwardya
ang mga askal na katulad
mong iniluluwal ng karimlan


Marami pala ang nagmamasid sa iyo;
sa tuwing lalabas ka ng bahay
may matang nagbabantay,
sa bawat taong iyong kinakausap
may kamay na naglilista
may bitag na naghihintay.
At paggising ko,
nalaman kong ikaw na
ang tinakpan ng dyaryo.

Ito marahil ay kabayaran,
pero bakit hindi kasali
ang mga leon at tigre.
Ano itong napapanaginipan
kong kapayapaan?

No comments: