Tuesday, October 03, 2006

Tissue Paper




Ito yung pinampahid mo,

nang lumagapak ang pansit
sa iyong pisngi,
nang nahuhulog
ang pagtitimpi sa
iyong mga mata.

Ito yung pinanlinis mo,

sa isinukang pagkain nya
nang malasing,
sa naisukang dugo mo
nang siyay mag-amok.


Mula nang ika’y ikinasal,

ikaw, at ang tissue paper
ay umiikot-ikot
matapos ipampahid sa dumi,
lamukusin,
at i-flush sa inidoro.


Tandaan mong hindi kayo
magkatulad.
Published by Dalityapi.Com- June 2006 Issue

No comments: