Tuesday, October 03, 2006
Telebisyon
Palipat -lipat tayo
ng channel sa telebisyon
dahil kapwa natin inaapuhap
ang di tiyak na damdaming namumuo,
inakala nating kilala ang isat-isa
ngunit hindi nang
magdamag nating pinagsaluhan
ang telebisyon sa kwarto.
Humihiyaw ang ating
mga buntung hininga
ngunit nanaig ang bawat kilik ng
remote control na pinili nating
paglaruan (o tayo ang napaglalaruan)
upang iwasan ang mga tanong
na paano at bakit kung saan
umaasa tayong maglalaho
sa madadramang usapan ng mga
soap opera at advertisements,
at habang ipinapakilala ng telebisyon
ang lawak ng mundo ay
naging parang selda
ang kwartong ito ng isang
nag-aakusa at isang inaakusahan
nang biglang may kumatok sa pintuan,
may pinaslang sa balita,
pinasabog ng Israel ang Lebanon
at nagluwa ng lava ang Mayon.
saka ka lang kumibo at nagkomento.
Marahil tumagos sa atin ang mga lava
at punglong pinakawalan nila
dahil katulad ng mga biktima
tinutugis tayo ng ala-ala.
-August 2006-
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment